Bilangguan… Kaparusahan?
ni Clifford B. Dulnuan
Ako’y pitong taong gulang noon. Naglalakad ako sa isang kalye nang makakita ako ng isang asong nakakulong sa isang masikip na hawlang yari sa kahoy sa harap ng isang bahay. Malakas ang kahol, nagngingitngit na ibig makawala. Nagpatuloy ako sa paglalakad at sa aking daanan, nakakita din ako ng ilang asong malayang naglalakad. Ang iba’y masayang nakikipaglampungan sa ibang mga aso at ang iba’y nakahilata’t namamahinga lang sa gilid ng kalsada. Natanong ko sa aking sarili, bakit may mga asong nakakulong yamang ang iba’y malayang gumagala?
Isang araw, nanganak ang aso ng aming kapit-bahay ng walong sobrang kaibig-ibig na mga tuta. Dahil sa kaibigan ng tatay ko ang may-ari ng mga ito, hiniling ko sa kanya na humingi ng isa sa mga tuta at hindi naman kami binigo ng may-ari. Inalagaan ko ang tuta hanggang sa ito’y lumaki. Isang umaga, hinanap ko ang aking aso para pakainin, ngunit hindi ko ito mahagilap kung saan. Pagdapit-hapon, siya’y aking nasumpungang madungis, mabaho at parang pinanghihinaan. Dahil sa ayaw kong maulit muli ang pangyayaring ito, ikinulong ko ang aking aso. Pagkaraan ng ilang buwan, naawa na ako sa kalagayan niya kaya’t nagpasya akong pakawalan na siya. Mula noon, hindi ko na nakitang nagpakalayo-layo ang aking alaga mula sa aming bahay. Lagi ko na siyang nararamdamang nasa paligid na lamang siya ng aming tahanan. Isang sipol ko lang upang pakainin ay rumaragasa na siya sa pagtakbo patungo sa akin, Siguro’y nasanay na siyang lumagi nalang sa bahay. Masayang-masaya ako sa bagong karakter ng aking alaga.
Pagkaraan ng higit tatlumpung-taon, sa hindi inaasahang pangyayari, ako naman ay nabilanggo sa Probinsyang Piitan ng Nueva Vizcaya. Sa unang araw at buwan, naranasan ko ang sobrang kalungkutan at panghihinayang sa buhay. Luha’y hirap pawiin sa tuwing naiisip ang madilim kong kinabukasan.
Naalala ko ang asong minsa’y aking inalagaan. Ikinulong ko sa pagnanais na siya’y aking mabantayan at maalagan. Ikinulong dahil sa takot na siya’y tuluyang mawalay sa aking piling. Ginawa ko ito dahil sa lubos na pagmamahal at ilayo siya sa kapaliwaraan hindi upang siya’y parusahan.
Ito ngayon ang aking naramdaman sa aking pangungulungan. Ito ngayon ay nakikita kong ginagawa at ipinaparamdam ng pangasiwaan ng bilangguan. Minsa’y natanong ko sa aking sarili kung bakit nagkaganito ang buhay ko. Ngayon, nauunawaan ko na ang nais ipaintindi ng pangugulungan. Ikinulong upang paamuin sa kabutihan. Ikinulong upang hindi tuluyang mapariwara kundi matutong mamuhay ayon sa katwiran ng Kalangitan.
Sa unang mga araw ko sa Probinsyang Piitan ng Nueva Vizcaya, ang nasa isip ko’y kawalan ng pag-asa at ang aking paglalakbay sa buhay ay tapos na’t wala nang saysay pa. Ipinasok ako sa tinatawag na “Reformation Cell”, ang selda ng mga bagong-pasok na bilanggo. Hindi ko pa alam kung ano ang mga pangyayari na nag-aantay sa pang araw-araw na buhay ko bilang isang bilanggo sa puntong ito. Isang araw, dahil sa ako’y bago pa lamang, may mga “Religious Activities” palang kailangan kong daluhan na hindi pwedeng tanggihan. Halos araw-araw na may iba’t ibang sekta ng relihiyon ang bumibisita upang mangaral ng Salita ng Diyos na dati’y hindi ko binibigyan ng pansin at halaga noong ako’y nasa laya pa. Dahil dito unti unting nabuksan ang aking pang-unawa sa tunay na katuturan ng buhay. Malaki ang naitulong ng programang ito sa piitang aking napasukan sa madilim na bahagi ng aking buhay. Kasabay ng programang ito ang “Livelihood Program” para sa mga nangungulungan. Sa una’y sinasabi ko sa aking sarili “For What?” Ano ang maitutulong nito sa akin lalo na sa aking pamilyang naiwan sa labas. Isang araw, dahil sa kabagutan, sinubukan kong makialam sa gawaing katulad ng paggawa ng iba’t ibang produktong gawa sa kamay o “Handicraft Products”. Hindi ko namamalayang marami na rin akong nagagawa katulad ng Picture Frame, Bonsai Tree na gawa sa mga beads, mirror frames, personalized printed shirts at iba pa.
Dahil sa maraming bumibisita sa piitang ito, marami ding nagkakainterest na bilhin ang mga produktong aking nagawa, gayundin sa aking mga kasamahang bilanggo.
Sobrang kasiyahan ang aking nadama. Mayroon na rin akong kinikita’t konting naiipon dahil dito. Mula noon, nakapagbibigay na rin ako ng ngiti sa aking mga anak dahil nagagawa ko silang bigyan ng regalo at kaunting pera na muling nagpapatibay sa aking pagiging ama sa kanila kahit ako’y nasa loob ng bilangguan.
Maliban sa mga ito, napatunayan ko din ang katotohanan sa kasabihang “While living, Education is a continuing process”. Ang edukasyon ay hindi ipinagkakait sa amin ng piitan, bagkus ay lalong binibigyang halaga para sa aming nangungulungan. Sa halos limang taong pagkabilanggo ko sa Provincial Jail, ako’y nagtapos sa walong ibat-ibang kursong Vocational sa Ilalim ng Tesda. Alam kong ang mga natutunan kong ito’y magbubukas sa akin ng pinto ng bagong pag-asa at panibagong simula ng buhay balang araw.
Sa hindi inaasahang pangyayari lumaganap ang COVID-19 kung tawagin. Lahat ng gawain sa loob na nagbibigay sigla sa aming pangaraw-araw na buhay bilang preso ay para bagang kinitil sa isang iglap. Dahil sa pag-iingat ng pangasiwaan ng kulungan sa aming kalusugan, pansamantalang ipinatigil lahat ang aming mga Gawain. Bumalik ang kalungkutang aking nadarama noong una. Matagal na panahon na ring hindi ko nasilayan ang aking pamilya. Kalakip ng kalungkutan ay takot sa maaring mangyari sa kanila sa panahong ito ng pandemya.
Sa puntong ito, ramdam din ng pangasiwaan ang aming kalungkutan sa loob, at sa kagustuhan nilang maibsan at mapawi ang aming mga pangungulila, binuksan sa amin ang tinatawag na “E-Dalaw”, kung saa’y maaari naming makausap at makita ang aming mga pamilya “via Zoom o Video Call”. Lagi akong napapaluha tuwing nakikita ko sila sa screen na lamang. Hindi mayakap o mahawakan man lang. Lalo pang lumala ang sitwasyon sa hindi inaasahang karanasang aming sinasagupa kamakailan lang. Halos kalahati ng aming bilang sa loob ay dinapuan na ng COVID-19, kasama pati ilang miyembro ng pangasiwaan. Takot, lungkot at pagkabalisa ang sumukob sa piitang ito. Sa puntong ito, naramdaman namin ang kalinga at pagmamahal ng aming kapwa. Dumagsa ang tulong sa amin mula sa opisina ng mahal na Gobernador at ilang grupo at mga indibidual na walang pag-aalinlangang iabot ang kanilang mapagpalang mga kamay. “We won the hardest part of the battle, and still winning over COVID-19 “, at mapapanatili namin yan hangga’t may mga pusong sa amin ay handang yumakap sa kabila man ng aming kalagayan.
Sa kalagitnaan ng pandemya, hindi nagpatinag ang pangasiwaang matigil at mawala na ng tuluyan ang paglago sa aming mga katauhan. Sa matalino at maayos na kaparaa’y naisikatuparan pa rin ng pangasiwaan ang ilang mga gawain upang walang masayang na panahon sa aming pangungulungan. Nuong huling linggo ng Oktubre 2021 idinaos ang taunang “Prison Awareness Celebration”. Wala man akong kakayahan sa ilang paligsahang isinagawa sa gitna ng selebrasyong ito ay buong tapang pa rin akong lumahok sa lahat, katulad ng Bible Quiz, Table Tennis Singles, Slogan Writing, Poster Making, at ang Essay Writing na kung saa’y ako’y pinalad na makamit ang ikalawang pwesto. Nakatutuwang karanasan ito sa aming mga nangungulungan. Preso man kung tawagin, kriminal man kung ituring ng ilan, ngunit naging tao naman kung tratuhin ng piitan. Kahit papaano’y lumalabas at lalong nahuhubog ang aming mga talento’t kakayahan kahit pa man kami’y nasa loob ng bilangguan.
Ito ang mga pangwakas na talata sa aking isinulat na sanaysay sa nasabing “writing contest” na ginawaran ng premyo bilang pangalawang pwesto: “Ang pagmamahal ay makapangyarihan. Anumang uri ng pagkaalipin o pagkabilanggo ay kayang mapagaan at tuluyang mawakasan. Ang pagkabilanggo ay hind isang silid ng mga rehas na bakal lamang. Ang tao’y maaring bilanggo ng kanyang sariling pasanin at pinagdadaanan. Sino ka man, mahirap o mayaman man ay tungkuling ibigay sa kapwa ang pagmamahal na biyaya ng kalangitan na magpanumbalik ng bagong buhay at pag-asa sa sinumang nabibigatan. Balang araw, ang bilanguan ay sa isip at salita na lamang dahil bawa’t taong nagpapahalaga sa pagmamahalan ay mamumuhay na parang nasa kalangitan”.
Ang kulungan o bilangguan ay hindi kailan man naging mainam na hantungan o kalagyan nino man. Sa literal na kahulugan, ang bilangguan ay kaparusahan. Nguni’t sa kabila nito, lubos pa rin akong nagpapasalamat na ang piitang aking pansamantalang kinakalagyan sa kasalukuyan ay nakakatulong sa akin sa pagbuo ng pira-piraso kong katauhan at sa unti-unting paghihilom ng buhay kong sugatan.
Kudos to NVPJ!
-o0o-
PREVIEW/DOWNLOAD the three NVPJ feature articles with captioned photos in Portable Document Format (PDF) here:
(1) PDLs anchor their transformation on faith and love
https://www.facebook.com/groups/Beloved.Nueva.Vizcaya/permalink/5056300731083497/
(2) Doing one’s best with God amidst adversity
https://www.facebook.com/groups/Beloved.Nueva.Vizcaya/permalink/5097078770339026/
(3) Bilangguan… Kaparusahan?
https://www.facebook.com/groups/Beloved.Nueva.Vizcaya/permalink/5056523941061176/


